LEGAZPI CITY – Ipinag-utos na ng Office of Civil Defense (OCD) sa mga lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Albay ang pag-activate mga emergency operation center at response clusters matapos na itaas sa Alert Level 2 status ng bulkang Mayon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay OCD Bicol spokesperspon Gremil Naz, mahalaga ang naturang hakbang upang patuloy na makapaghanda ang mga concern agencies kung sakaling pumutok ang naturang bulkan.
Pinasisiguro rin sa mga LGUs na walang makakapasok sa 6 kilometer permanent danger zone dahil sa pinangangambahang phreatic eruption, magmatic eruption at rockfall event.
Ayon kay Naz, mayroon nang nakahandang inisyal na plano at ipa-polish na lamang.
Dagdag pa nito na hindi dapat mabahala ang mga residente dahil may nakahandang contigency plan ang mga LGUs para sa posibleng paglikas subalit pinaghahanda pa rin ang lahat.
Inabisuhan naman ang mga residente na manatiling nakabantay sa mga abiso mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCs).