BUTUAN CITY – Nagpapatuloy ang rapid damage assessment ng Office of the Civil Defense (OCD)-Caraga sa mga iniwang danyos at posibleng karagdagang mga injuries matapos ang pagyanig ng magnitude 5.5 na lindol na tumama sa Carrascal, Surigao del Sur.
Ayon kay Amado Posas, tagapagsalita ng OCD-Caraga, nakikipag-ugnayan na sila sa iba’t ibang local government units ng naturang lalawigan lalo na sa mga bayan ng Lanuza, Carrascal, Madrid, at Cortes.
Ito’y upang ma-validate ang mga inisyal na reports na kanilang natannggap ukol sa mga danyos na iniwan nito gaya ng bahagi ng simbahan sa bayan ng Carmen na umano’y nasira.
Samantala, kinumpirma naman ni P/Lt. Wilson Juanite, hepe ng Madrid Municipal Police Station, na anim na mga sasakyan ang natabunan nang bumigay ang bubong ng lumang terminal na subject for demolition at ginawang temporaryong garahe.
Kasama na rito ang mga firetrucks ng Bureau of Fire Protection, tatlong mga sasakyan ng kanyang mga kasamahang pulis at isang motorized sicad ng isang sibiliyan.