Ilang araw matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Julian sa probinsya ng Batanes, nagtungo ang team ng Office of Civil Defense sa naturang lugar upang mamahagi ng mga tulong sa mga residente.
Pinangunahan ni OCD Executive Director Undersecretary Ariel Nepomuceno ang naturang biyahe lulan ng C-130 plane ng Philippine Air Force (PAF).
Laman ng naturang cargo plane ang mga food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), shelter repair kits, at mga makakapal na tarpaulin na gagamitin sa paggawa ng temporary shelter para sa mga residenteng nawalan ng tahanan.
Nagdala rin ang grupo ng mga generator set para magamit sa pagbibigay ng elektrisidad dahil sa labis na napinsala ang power sector ng naturang probinsya.
Maliban sa relief operation, magsasagawa rin ang naturang team ng assessment sa pinsalang iniwan ng naturang bagyo sa probinsiya.
Una nang ipinag-utos ni Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr. ang mabilisang rehabilitasyon sa probinsya ng Batanes, kasunod ng naging pananalasa ng naturang Super Typhoon.