-- Advertisements --
quake drill
Image/LUPPO_BalaoanPS

CAUAYAN CITY – Hiniling ng Office of Civil Defense (OCD) Region 2 sa mga mamamayan at mga mag-aaral na seryosohin ang isasagawang simultaneous nationwide earthquake drill ngayong araw.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ronald Villa, pinuno ng operations section ng OCD Region 2, sinabi niya na nagsagawa sila ng mga pagpupulong sa Cauayan City sa tulong ng Cauayan City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) kasama ang iba’t ibang ahensya na bumubuo rito.

Aniya, layunin ng earthquake drill na alamin ang kahandaan ng mga local government units, mga paaralan at iba pang establisyemento kapag may lindol.

Ang kanilang pilot venue ay ang SM Mall sa Cauayan City.

Idinagdag pa ni Villa na puspusan ang kanilang awareness campaign sa mga paaralan dahil sa gitna ng pagdami ng mga matataas na gusali ay maging prayoridad pa rin ang kaligtasan ng mga estudiyante.

Dapat aniyang seryosohin ng mga mag-aaral ang mga isinasagawang earthquake drill para kung magkaroon ng actual na lindol ay hindi sila mag-panic dahil naituro na sa kanila ang mga dapat na gawin.