Hindi pa inirerekomenda ng Office of the Civil Defense (OCD) ang pagdedeklara ng state of calamity sa Pilipinas dahil sa El Niño.
Ito ay kahit na inaasahang mararanasan ng mahigit 50 probisniya ang matinding tagtuyot sa mga susunod na buwan.
Paliwanag ni OCD Administrator USec. Ariel Nepomuceno na sa ngayon nasa 20 probinsiya ang nakakaranas ng mahigpit na tagtuyot at inaasahan na sa buwan pa ng Abril posibleng titindi ito. Sinabi din nito na magkakaiba ang sitwasyon sa bawat probinsiya.
Ginawa ni Nepomuceno ang naturang pahayag kasabay ng kaniyang pagbisita sa Oriental Mindoro ngayong araw kung saan ang nagdeklara na ng state of calamity sa may bayan ng Bulalacao dahil sa El Nino.
Samantala, ang pinsala sa agrikultura dulot ng El nino ay patuloy na lumalawak pa partikular na sa mga bayan ng Mansalay at Bulalacao.
Sa pinakahuling ulat ng provincial agriculture office, ang pinsala dulot ng matinding tagtuyot sa mga pananim tulad ng rice, onions, garlic, at iba pang high-value crops ay pumalo na sa mahigit P350 million.