Hinimok ng Office of the Civil Defense (OCD) ang mga evacuee sa Negros Island na manatili muna sa evacuation centers sa Christmas holidays dahil sa patuloy na abnormalidad ng bulkang Kanlaon.
Sa isang statement, nanawagan si OCD Administrator USec. Ariel Nepomuceno sa mga residente sa loob ng extended 6 km. radius permanent danger zone ng bulkang Kanlaon na manatili muna sa mga evacuation center at huwag munang bumalik sa kanilang mga tahanan dahil ang pagsiguro ng kanilang kaligtasan ang pangunahin nilang layunin.
Nitong nakalipas na gabi ng Martes, nakumpleto ang paglilikas ng mahigit 6,000 residente mula sa 5 barangay sa loob ng 6 km. permanent danger zone sa paligid ng bulkan.
Binigyang diin din ng opisyal ang kahalagahan ng pagprayoridad sa kaligtasan ng mga residente habang nananatili ang mg aktibidad ng bulkan.
Umapela din si Nepomuceno sa kooperasyon ng mga residente at nagbabala sa posibleng panganib sakaling tangkaing bumalik sa kanilang mga bahay sa gitna ng patuloy na aktibidad ng bulkan.
Aniya, sa oras na posibleng sumabog ang bulkang Kanlaon, walang isasagawang pagsagip sa mga nasa loob ng permanent danger zone kayat napakahalaga aniya ang pakikipagtulungan ng mga residente.