Inalerto ng Office of Civil Defense (OCD) ang mga residente sa mga lugar na naaapektuhan ng umiiral na shear line.
Batay sa mensaheng inilabas ni OCD chief, Undersecretary Ariel Nepomuceno, pinapabantayan nito sa mga residente ang epekto ng shearline sa tulad ng biglaang pagbaha at ang mga pagguho ng lupa na kadalasang nangyayari sa mga panahon ng matagal na pag-ulan.
Inihalimba nito ang naging epekto ng shearline sa Visayas at Mindanao noong Enero ng nakalipas na taon kung saan mahigit 40 katao ang nasawi.
Kailangan aniyang bantayan ang mga residente ang lahat ng paabisong inilalabas ng mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), Mines and Geosciences Bureau, National Disaster Risk Reduction and Management Council at OCD, at agad tumugon sa mga paabiso ng mga ito.
Ayon kay Nepumuceno, ang kaligtasan ng mga residente ay nakasalalay sa kanilang kooperasyon at pagtalima sa mga paabisong inilalabas ng mga naturang ahensiya.
Inihalimbawa rin ng OCD Chief ang datus na inilabas ng MGB kung saan tinutukoy ng ahensiya ang kabuuang 1,632 brgy mula sa 14 na probinsya na nahaharap sa banta ng mga pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa mabibigat na pag-ulan.
Ang mga naturang lugar ay mula sa mga rehiyon ng Cagayan Valley, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at Central Luzon.