Inalerto ng Office of the Civil Defense (OCD) ang publiko sa posibleng mapanganib na epekto ng shear line at intertropical convergence zone (ITCZ) na nagdulot ng labis na mga pag-ulan sa maraming parte ng bansa kamakailan at kumitil na ng 5 katao.
Inisyu ni OCD Administrator USec. Ariel Nepomuceno ang isang memorandum sa lahat ng regional directors na nagaatas sa kanila na i-activate ang enhanced disaster response protocols at siguruhin na nakahanda ang mga komunidad sa gitna ng pinagsamang epekto ng shear line at ITCZ.
Aniya, sa gitna ng nagpapatuloy na napapaulat na mga baha na nagresulta sa pagkasawi, pinsala ng ari-arian sa iba’t ibang rehiyon, mahalaga na gumawa ng isang decisive action para maiwasan ang lalo pang pagkawala ng buhay at pinsala.
Babala ng OCD official na hindi dapat ipagsawalang bahala ng publiko ang nararanasang epekto ng weather systems dahil maaaring maging mapaminsala ang mga ito gaya ng mga bagyong tumama sa bansa noong Enero 2023 kung saan 43 buhay ang nawala sa Visayas at Mindanao dahil sa mga pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng matitinding pag-ulan dala ng shear line.
Base sa pinakahuling datos ng OCD nitong Enero 3, nasa 5 katao na ang nasawi sa umiiral na weather systems, 20 katao ang nasugatan at 2 katao ang nawawala. Naitala ang mga nasawi sa MIMAROPA, Eastern Visayas at Davao region.
Kaugnay dito, nasa mahigit 139,000 pamilya ang apektado habang mahigit 500 pamilya naman ang inilikas patungo sa mga evacuation center.
Napinsala rin ang mahigit 1,000 kabahayn sa Region 8 at 11 at may mga napinsala ding imprastruktura sa Region 11.