-- Advertisements --

Sinabi ng Office of Civil Defense (OCD) na hindi pa handa ang Pilipinas para sa isang magnitude 7.7 na lindol tulad ng nangyari sa Myanmar noong nakaraang linggo.

Ayon kay OCD Undersecretary Ariel Nepomuceno, kailangan aniyang maging handa ang gobyerno ng Pilipinas para sa mga ganitong kalamidad.

Kung maalala ang lindol na tumama sa Myanmar ay kumitil ng higit sa 1,600 katao at pagkasira ng mga estraktura.

Habang binanggit din ni Nepomuceno na may dalawang antas ng kahandaan sa malalaking lindol ito ay ang pagsunod sa “duck, cover, and hold” at ang engineering solutions na naglalayong gawing matibay ang mga estruktura laban sa lindol.

Dagdag pa nito na kailangan din umano i-retrofit ang mga paaralan at mga health centers.

Ang naturang pahayag ay kasunod ng mga panganib sa Marikina West Valley fault at Manila Trench Fault, na posibleng magdulot ng malaking lindol at tsunami.

Pinaalalahanan din ni Nepomuceno ang mga Pilipino na mag-check sa hazardhunter.ph upang matukoy kung malapit sila sa fault lines o landslide-prone areas.

Inirekomenda rin niyang tiyaking kumpleto ang mga permit sa pagpapagawa ng bahay at huwag mag-shortcut sa mga proseso nito.