-- Advertisements --

Inatasan na ng Office of the Civil Defense (OCD) ang regional office nito sa Western Visayas na bilisan ang paghahanda para sa ‘worst-case scenario’ sakaling pumutok ang bulkang Kanlaon kasabay ng dalang mga pag-ulan ng bagong bagyo na Tropical Depression Nika na pumasok sa bansa ngayong Sabado.

Ipinag-utos ni OCD Administrator USec. Ariel Nepomuceno ang naturang direktiba sa gitna ng patuloy na degassing o paglalabas ng usok na may kasamang mahinang pagbuga ng abo mula sa summit crater ng bulkan simula noong Oktubre 19 base sa monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Ayon sa opisyal, dapat na tiyaking may matatag na mga plano para sa pagresponde at nakahandang ipatupad sa posibleng mga kalamidad. Iginiit din ng opisyal na mahalaga ang paghahanda sa worst case scenarios sa pagsasalba ng mga buhay.

Kaugnay nito, hinimok ng OCD chief ang mga residente na makinig sa mga abiso mula sa mga lokal na opisyal at sundin ang mga advisory mula sa Phivolcs at OCD.

Una rito, sa abisong inilabas ng Phivolcs ngayong Sabado, nakapagtala ito ng 28 ash emission episodes mula sa Kanlaon na nagtagal ng 4 na minuto hanggang 1 oras at 18 minuto.

Nakitaan naman ng bakas ng abo na ibinuga ng bulkan sa Sitio Bais, Brgy. Yubo, La Carlota City at Brgy. Sag-ang, La Castellana sa Negros Occidental.

Samantala, sa ngayon wala pang indikasyon ng napipintong malakas na pagputok ng bulkan subalit sakaling magkaroon ng pagbabago sa monitoring parameters, itataas ang alert level sa bulkan mula sa kasalukuyang alert level 2.