Kinumpirma ng Office of the Civil Defense na aabot sa 97 na lungsod at bayan sa buong rehiyon ng Bicol ang nananatiling baha dahil sa epekto ng bagyong Kristine.
Sa ginanap na press conference na inorganisa ng ahensya , sinabi ni OCD Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno na ang mga ito ay nakakaranas pa rin ng pagbaha.
Ito aniya ay mas mababa na mula sa dating 306 na bilang ng mga lugar na nalubog sa baha noong pananalasa ng bagyong Kristine.
Sinabi pa ng opisyal na karamihan sa mga lugar sa Bicol region ay umabot sa ikalawang palapag ang tubig baha.
Ang pagbaha ay dulot ng malakas na pag-ulan na dala ng bagyo na inuuugnay rin sa climate change at high tide.
Aabot na rin sa halos kalahating bilyon ang naihatid na tulong ng pamahalaan sa mga LGU na naapektuhan ng bagyong Kristine sa naturang rehiyon.
Higit 10,000 naman na mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines ang umasiste sa mga residenteng apektado ng bagyo.