-- Advertisements --

Ipinag-utos ng Office of the Civil Defense (OCD) ang pagbalangkas ng komprehensibong tsunami evacuation plan sa gitna ng naitalang paggalaw sa Manila Trench.

Ang Manila Trench ay isang oceanic trench na nasa kalurang bahagi ng Pilipinas na may lalim na 5,400 meters.

Ayon sa ahensiya, maigting na nakabantay ito sa mga lugar na maaaring tamaan ng tsunami kasunod ng kamakailang mga serye ng lindol na tumama sa may baybayin ng Santa Catalina, Ilocos Sur noong nakalipas na linggo.

Inisyu ni OCD Administrator USec. Ariel Nepomuceno ang isang memorandum order na nag-aatas sa civil defense offices sa Region 1 o Ilocos region, Region 2 o Cagayan valley at Region 3 o Central Luzon para gumawa ng kaukulang mga aksiyon para paghandaan ang posibleng tsunami kabilang ang pagbuo ng naturang plano.

Base sa OCD, binigyang diin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na ang mga ruta para sa evacuation ay dapat na malinaw na mailatag upang matiyak na ma-access ito at maprayoridad ang mga komunidad na nangangailangan aniya ng mabilisang oras ng pagresponde na nasa 15 minuto.

Para matulungan naman ang ahenisya na bumuo ng kaukulang response plan, tinalakay ng OCD kasama si Department of National Defense Sec. Gilbert Teodoro Jr. na nagsisilbing chairperson ng NDRRMC, ang historical data may kinalaman sa mapaminsalang mga tsunami na tumama sa bansa.

Matatandaan, nakapagtala ng 50 lindol sa pagitan ng Dec. 17 hanggang 20 na may magnitude mula 1.8 hanggang 5.0 dahil sa paggalaw ng Manila Trench na ayon sa mga eksperto ay maaaring mag-trigger sa mas malaki o malakas na lindol na magnitude 8.4.