Itinutulak ng Office of Civil Defense (OCD) ang pagtatag ng centralized national 911 system.
Sa ilalim ng naturang sistema, planong pagsama-samahin ang ginagawang pagtugon ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan sa mga krimen at mga kalamidad.
Ayon kay OCD Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, una na nilang napag-usapan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang tungkol rito sa hangaring mapagbuti ang koordinasyon sa pagitan ng mga ahensiya ng pamahalaan, kasama na ang response time sa anumang problema.
Sa inisyal na plano, sinabi ni Nepumuceno na maaaring pagsama-samahin na ang lahat ng sistema at protocol na nakapaloob sa crime emergency at disaster emergency response, bubuo ng isang national protocol na magagamit, at siyang susundin para sa episyenteng tugon.
Inihalimbawa ni Nepumuceno ang umano’y kumplikadong sistema sa disaster management structure na sinusunod sa Pilipinas at ang posibilidad ng pagkalito sa paggamit nito.
Ayon sa OCD administrator, ang epektibong emergency management ay nakadepende sa maayos na pagsasama-sama ng bawat aheniysa ng pamahalaan na may kaniya-kaniyang papel.
Sa kasalukuyan, ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay binubuo ng 45 member agencies at mga kinatawan ng private sector.
Ang Department of Science and Technology ang responsable sa mitigation, ang Department of Interior and Local Government ang nangunguna sa preparedness o paghahanda, habang ang Department of Social Welfare and Development ang lead sa response effort.
Nagsisilbi namang lead ang National Economic and Development Authority sa pagbuo ng mga long-term solution sa mga kalamidad.