Lumagda ang Office of Civil Defense (OCD) sa dalawang kasunduan upang palakasin ang kahandaan pagdating sa sakuna sa Negros Island, kasunod ‘yan ng pag-alburoto ng Bulkang Kanlaon noong Abril 8 na nagpalikas sa mahigit 25,000 residente.
Ang unang kasunduan ay sa pagitan ng OCD at Lungsod ng Victorias, na layong paigtingin ang disaster risk reduction and management (DRRM) ng lungsod sa pamamagitan ng access sa training, technical resources, at scientific data mula sa OCD.
Ang ikalawang kasunduan naman ay nilagdaan kasama ang Negros Association of Chief Executives (ACE) na pinangungunahan ni Victorias Mayor Javier Miguel Benitez, upang palawakin ang inisyatiba sa buong Negros Occidental.
Ayon kay OCD Administrator Ariel Nepomuceno, isa sa 24 na aktibong bulkan sa bansa ang Kanlaon, at kasalukuyan ding pinaghahandaan ng ahensya ang mga posibleng lindol. Aniya, makakatulong ang OCD sa pagbibigay ng kaalaman at datos mula sa lokal at pandaigdigang mga ahensya.
Target din ng kasunduan ang pagbuo ng isang DRRM summit at isang mas pinag-isang disaster resilience framework para sa Negros.
Tiniyak ni Nepomuceno ang tuloy-tuloy na suporta ng pambansang pamahalaan sa mga lokal na pamahalaan tuwing may kalamidad.