Nag-activate ng emergency response protocols ang Office of Civil Defense (OCD) ngayong Biyernes, Abril 18, bilang tugon sa inaasahang mapanganib na antas ng init sa ilang bahagi ng bansa na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan.
Ayon kay OCD administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, naka-alerto na ang lahat ng regional offices ng ahensya at nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para magbigay ng agarang tulong at masigurong ligtas ang publiko.
Batay sa ulat ng DOST-PAGASA, aabot sa 43°C ang heat index sa hindi bababa sa 16 na lugar ngayong Biyernes Santo. Babala ng ahensya, posible ang heat cramps at heat exhaustion sa ganitong antas, at may banta rin ng heat stroke sa patuloy na pagkaka-expose sa init.
Karamihan ng mga rehiyon ay nakakaranas ng heat index mula 33°C hanggang 41°C, na pasok sa “extreme caution” level.
Payo ng OCD sa publiko manatili sa malamig o maaliwalas na lugar, magsuot ng preskong damit, gumamit ng payong o sombrero, at uminom ng hindi bababa sa walong baso ng tubig kada araw. Maaari ring gumamit ng cold compress o ice pack bilang proteksyon laban sa init.