Nagbabala ang Office of the Civil Defense (OCD) sa publiko na huwag makipagtransaksiyon sa mga broker at fixer.
Sa isang advisory, ibinabala ng ahensiya ang ilang indibidwal na gumagamit ng pangalan ng ahensiya at mga opisyal nito o ni Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno sa pakikipag-transaksiyong may kinalaman sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund applications at agency procurements.
Pinapalabas aniya sa naturang scheme na ito ay lehitimo sa pamamagitan ng pagpeke at pagpalsipikado ng mga dokumento.
Paalala din ng OCD na lahat ng transactions o iniisyung dokumento mula sa ahensiya ay pinoproseso sa pamamagitan ng kanilang official channels at awtorisadong personnel lamang.
Hinimok din ang publiko na i-report agad sa awtoridad ang anumang kahina-hinalang mga transaction.
Samantala, hiniling na ng OCD sa National Bureau of Investigation na imbestigahan at arestuhin ang mga nasa likod ng iligal na gawain.