-- Advertisements --

Nakatutok ngayon ang Office of Civil Defense (OCD) upang pangunahan ang task force na agarang tutulong sa pangmatagalang pangangailangan ng mga residente na apektado ng pagputok ng Bulkang Kanlaon.

Bubuo ang OCD ng task force upang pangunahan ang ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan, at magsusulong ng isang komprehensibong plano para sa muling pag-unlad ng mga apektadong lugar.

Kamakailan lang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbuo ng task force noong Biyernes sa isang situation briefing na ginanap sa La Carlota City, Negros Occidental.

Binigyang-diin ni OCD Administrator Ariel Nepomuceno ang pangako ng ahensya sa inisyatibang ito.

Binanggit din niya ang mga pagsusumikap ng Regional Task Force Kanlaon na pinangunahan ng mga regional directors ng OCD sa paghahanap ng mga epektibong solusyon sa mga hamon na kinaharap ng mga apektadong komunidad.

‘We are dedicated to not only providing immediate assistance but also ensuring that those affected can return to a normal life as quickly as possible. Our efforts will focus on building permanent evacuation centers outside the six-kilometer danger zone, as directed by the President,’ pahayag ni Nepomuceno.

Sinabi niya na maaari pang mag-evacuate ng karagdagang 90,000 katao kung tataas ang alert level.

Nababatid na ang bulkang Kanlaon ay huling pumutok noong Disyembre 2024.

Samantala sa monitoring ng ahensya nasa 2,660 pamilya o 8,509 indibidwal na ang nananatili sa 23 evacuation centers. Kung saan nasa P95.6 million na ang naipamahagi ng gobyerno bilang tulong at nakapag-preposition ng hanggang P144.04 million ng mga relief supply para sa mga apektadong lugar.

Sa huling tala ng OCD hanggang Pebrero 19, umabot na sa kabuuang P199,608,351.26 ang halaga ng tulong na ibinigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), mga non-government organizations, at mga lokal na pamahalaan sa Region VI at VII, habang P4,329,174.56 naman ang ibinigay ng OCD at mga Provincial Disaster Risk Reduction and Management Offices.