Mas pinalakas pa ng Office of the Civil Defense ang ginagawang mahigpit na pakikipag-ugnayan nito ngayon sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan bilang paghahanda sa nalalapit na panahon ng tag-ulan dulot ng La Niña phenomenon.
Ayon sa naturang ahensya layunin nito na mas paigtingin pa ang kanilang koordinasyon sa mga ahensya ng pamahalaan, at maging sa mga lokal na pamahalaan sa bansa na magiging katuwang nito sa pagpapatupad ng karampatang paghahanda laban sa posibleng magiging epektong idudulot ng La Niña sa Pilipinas.
Kabilang sa mga pinaghahandaan ngayon ng gobyerno ay ang mga kaakibat na hazards o panganib ang pag-uulan gaya ng malakas na hangin na maaaring makapinsala sa mga kabahayan, pananim at iba pa; mga pagbaha, at maging ang pagguho ng lupa o landslide.
Ngunit gayunpaman ay inihayag pa rin ng naturang kagawaran na mayroon na silang nakalatag na mga plano at mekanismo para rito sapagkat hindi na aniya bago ang mga nararanasang pag-ulan sa bansa.
Samantala, sa kabila nito ay patuloy pa rin naman ang panawagan at pagpapaalala ng publiko at maaari rin bisitahin ng publiko ang kanilang website na: ocd.gov.ph para ma-check ang mga material na magagamit para mapaghandaan ang La Niña at tag-ulan.