-- Advertisements --

Nananawagan ang Office of Civil Defense (OCD) sa mga lokal na opisyal sa Negros Island Region na muling i-assess ang kanilang desisyon na payagan ang libu-libong evacuees na bumalik na sa kanilang tahanan.

Ito ay sa gitna ng tuluy-tuloy na pag-alburuto ng bulkang Kanlaon, batay na rin sa monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Kabilang sa mga pinapakiusapan ng OCD ang local officials sa Bago City at La Castellana, Negros Occidental na umano’y pumayag nang pabalikin ang mahigit 4,000 evacuees sa kanilang tahanan.

Apela ni OCD Undersecretary Ariel Nepomuceno na kailangang pag-aralan muli ng local officials ang kanilang desisyon lalo na at tumataas pa aniya ang tyansang umabot pa sa Alert Level 4 ang alerto sa naturang bulkan.

Kapag umabot dito, otomatikong palalawakin na ang ikinokonsiderang danger zone sa bulkan mula sa kasalukuyang anim na kilometro patungo sa sampung kilometro.

Ayon kay Nepumuceno, dapat ikonsidera ng mga lokal na opisyal ang mga babalang inilalabas ng PHIVOLCS at sa halip ay paghandaan ang worst-case scenario o mas mapanganib na pagputok ng bulkan.

Mahalaga aniyang maprotektahan ang bawat buhay, salig na rin sa pagnanais ng pamahalaan na maabot ang zero casualties na siyang pangunahing prayoridad sa ngayon.