-- Advertisements --

Nilinaw ng Office of Civil Defense (OCD) na mataas na rin ang lebel ng kahandaan o readiness ng Pilipinas sa mga malalakas na lindol.

Paliwanag ni OCD spokesperson Atty. Chris Bendijo, kung sa aspeto ng response o pagtugon sa mga malalakas na lindol, nakahanda ang Pilipinas gamit ang akmang mga istratehiya.

Inihalimbawa ng opisyal ang regular na Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSWD) na isinasagawa ng bansa kung saan ang laging scenario ay malalakas na lindol, mahigpit na inter-agency coordination, at matataas na kalidad ng mga kagamitang maaaring gamitin.

Kabilang dito ang mga life-detecting system, lifting bags, at iba pang teknolohiya na kasama na rin sa ipinadala sa Myanmar, dala ng Philippine contingent.

Gayunpaman, sa ibang aspeto aniya ay kailangan pa ng mas malawak na compliance.

Inihalimbawa nito ang pre-disaster preparedness na sumasaklaw sa katatagan ng mga gusali at mga pasilidad sa bansa.

Dito ay nangangailangan pa aniya ng mas mahigpit na compliance sa Building Code ng bansa upang masigurong ang mga building ay matibay at kayang sabayan ang malalakas na lindol.

Inihalintulad ng opisyal ang posibleng paggamit ng ‘duck, cover, and hold’ technique na laging itinuturo sa mga earthquake drill.

Aniya, bagaman halos lahat ng mga Pilipino ay pamilyar sa naturang istratehiya, mahihirapan pa ring isagawa ito kung ang mga gusali mismo ang unang bibigay sa oras ng kalamidad.