-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nagpulong na ang Office of the Civil Defence (OCD) Bicol kasama ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) at iba pang ahensya ng pamahalaan upang paghandaan ang posibleng epekto ng Tropical Depression “Ambo” sa rehiyon.

Ayon kay OCD Bicol Dir. Claudio Yucot sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na hindi malayong maapektuhan ng naturang sama ng panahon ang ilang bahagi ng rehiyon sa mga susunod na araw.

Paliwanag ng opisyal na kabilang sa pinagpaplanuhan ngayon ay kung paano ipapatupad ang social distancing at iba pang health protocols sakaling ilikas sa evacuation centers ang ilang residente na nasa low-lying areas.

Aminado naman si Yucot na mas mahirap ang sitwasyon ngayon kumpara sa mga nakalipas na kalamidad dahil sa epekto ng coronavirus pandemic kaya kailangan ng masusing pag-aaral sa sitwasyon.