-- Advertisements --

Pinag-aaralan ng Office of Civil Defense (OCD) ang pagpapalawak pa sa sasaklawin ng expanded Permanent Danger Zone (PDZ) sa palibot ng bulkang Kanlaon.

Ito ay dahil na rin sa pinangangambahang banta ng lahar flow dala ng iba’t-ibang weather system na nagdadala ng malalakas na pag-ulan tulad ng dating bagyong ‘Querubin’ na bumalik sa pagiging Low Pressure Area (LPA).

Ayon sa Task Force Kanlaon, plano nilang ilipat na rin ang mga evacuation center na malapit sa 6-kilometer PDZ hanggang 10 km radius patungo sa 14 km radius.

Ayon sa TF, iniiwasan nilang umabot malapit sa mga evacuees ang pag-agos ng lahar; habang mas malayo ang mga ito sa bulkan, mas malayo rin ang mga ito sa panganib na dulot nito.

Sa kasalukuyan ay mayroong 29 evacuation center sa Negros Islands habang sampung pamilya rin ang piniling maglatag na lang ng kanilang sariling tent.

Naabot na rin ng TF ang hanggang 100% evacuation sa mga residenteng nasa PDZ. Ang mga ito ay may kabuuang bilang na 18,475 katao o katumbas ng 5,772 pamilya.

Ayon sa The Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nananatili pa rin ang banta ng biglaang pagsabog ng bulkang Kanlaon anumang oras. Ito ay batay na rin sa tuloy-tuloy na aktibidad ng bulkan, pangunahin na ang mga naitatalang volcanic earthquake.