Upang maipaabot ng tamang oras ang mga kaukulang tulong dahil sa matindi pagbaha, pinulong ngayon ng Office of Civil Defense ang mga local chief executive ng lalawigan ng Davao del Norte.
Nanguna sa naturang pagpupulong si Office of Civil Defense (OCD) Deputy Administrator for Operations Assistant Secretary Hernando Caraig Jr., at OCD Region XI Director Ednar Gempesaw Dayanghirang.
Kabilang sa mga alkalde ng Braulio Dujalo at Carmen sa Davao del Norte at ipinatawag ng naturang ahensya.
Layon nito na makakuha ng impormasyon hinggil sa kasalukuyang kalagayan ng kani-kanilang bayan dahil na rin sa matinding pagbaha dulot ng masamang lagay ng panahon.
Kinumusta rin ng ahensya ang mga sitwasyon ng mga apektadong indibidwal sa naturang mga lugar.
Nag-ikot rin ang mga opisyal ng OCD sa mga itinalagang evacuation centers kasama ang kanilang mga alkalde .
Samantala , sa nasabing pagpupulong ay tinalakay ang mga kinakailangang intervention na gagawin ng local at national government para maiwasang maulit ang mga kahalintulad na insidente tuwing tag-ulan.
Ayon kay Caraig, bibisitahin rin nila ang ibang lugar sa Davao Region kapag humupa na ang tubig-baha sa lalawigan.
Sa ngayon kasi ay pahirapan pang makapasok ang mga sasakyan at pagpasok ng tulong sa ilang mga lugar dahil barado o sarado ang mga pangunahing kalsada sa lugar.