Nakatakda muling magpatupad ng mandatoryong pagpapalikas ang Office of Civil Defense Bicol – Region 5 sa mga residenteng naninirahan sa palibot ng bulkang Mayon.
Ito ay dahil sa banta ng lahar flow mula sa bulkan dulot ng mabibigat na pag-ulan.
Ayon kay Director Claudio Yucot of OCD Bicol, binabantayan nila ang paglala ng mga pag-ulan sa probinsya ng Albay na posibleng maging mitsa muli ng mga aktibidad ng bulkan.
Pinangangambahan kasing ang mga lahar deposit ng bulkan mula pa sa mga nakaraang pagbuga ay muling aagos sa mga kanayunan kapag umabot sa 60 kada oras ang mga pag-ulan.
Kasabay nito ay sisimulan na rin ng OCD at mga lokal na pamahalaan ang mandatoryong pagpapalikas kapag umabot na sa 40-50mm ng ulan ang maitalang bumabagsak sa Albay o sa mga lugar na direktang naaaapektuhan ng bulkan.
Ayon sa OCD, pangunahing babantayan ang kaligtasan ng mga residente mula sa anumang banta ng bulkang Mayon.
Umapela rin ang ahensiya sa mga residente na kung umabot muli sa ganitong punto ay makipag-tulungan na lamang ang mga ito, agahan ang paghahanda at paglikas.
Ang mas maagang evacuation ay bahagi ng bagong memorandum na inilabas ng Department of the Interior and Local Government (DILG). Pangunahing isinasaad nito ay ang maagang pagpapalikas sa mga residenteng malapit sa panganib tulad ng mga pagputok ng bulkan, biglaang pagbaha, atbpa.