CAUAYAN CITY – Naka-red alert na ang Office of Civil Defense (OCD) Region 2 dahil sa muling pagtaas ng level ng tubig sa mga mababang lugar sa ikalawang rehiyon bunsod sa patuloy na pag-ulan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Information Officer Francis Joseph Reyes ng OCD Region 2 na inabisuhan na ang mga Local Government Units (LGUs) na magpatupad ng preemptive evacuation sa mga nasasakupan nilang lugar na inabot na ng tubig-baha.
Samantala, walong overflow bridges sa Isabela ang hindi na madaanan dahil sa pag-apaw ng tubig sa Cagayan River.
Kabilang dito ang dalawang overflow bridge sa Cauayan City, dalawa sa Lunsod ng Ilagan, dalawa sa Echague, Isabela maging sa mga tulay na nag-uugnay sa Sto. Tomas at Cabagan, Isabela
Ang Magat Dam naman ay patuloy na nagpapalabas na ng malaking volume ng tubig.
Binuksan na ang anim na spillway gate ng dam at may taas na dalawang metro.
Ang water elevation ng Magat Dam hanggang kaninang alas kuwatro ng hapon, December 19, 2020 ay 191.86 meters.
Pareho ang inflow at outflow na 1,963 cubic meters per second.
Sa lalawigan naman ng Nueva Vizcaya ay ilang daan na ang unpassable dahil sa pagguho ng lupa o landslide.