Naka-heightened alert na rin ngayong Mahal na Araw ang Office of Civil Defense (OCD) regional offices, kasama ang Regional Disaster Risk Reduction Management Councils (RDRRMCs) at National Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (NDRRMOC).
Ito ay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa kasagsagan ng pag-obserba ng Holy Week.
Kaugnay nito, inisyu ang blue alert sa NDRRMOC at mga rehiyon ng CAR, I, II, III, CALABARZON, MIMAROPA, VII, VIII, IX, X, XI, XII, CARAGA, at BARMM simula kagabi, Abril 15.
Epektibo naman kaninang alas-5:00 ng hapon, Abril 16 hanggang sa alas-8:00 ng umaga sa Abril 21, ipapatupad ang blue alert sa National Capital Region.
Ang blue alert ay nangangahulugan na pagtataas ng alert status ng NDRRMOC, lalo na sa paghahanda sa unti-unting pagsisimula ng hazard event o inaasahang paglala ng sitwasyon na nangangailangan ng piling duty personnel. Kung saan aalalay sa primary o lead personnel mula sa OCD ang detailed duty officers sa pag-duty sa NDRRMOC
Kasalukuyan namang nasa red alert ang Regions V at VI dahil sa posibleng banta mula sa Bulkang Mayon at Bulkang Kanlaon gayundin ang ibang kalamidad na posibleng tumama sa kasagsagan ng Lenten season.
Ang red alert naman ang pinakamataas na lebel ng alerto na in-activate para matugunan ang nagpapatuloy o posibleng emergency situation na nangangailangan ng response agency staffing sa NDRRMOC at agarang interagency coordination.
Sa ilalim ng alert level na ito, magdedeploy ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ng detailed duty officers sa NDRRMOC para mag-salitang mag-render ng 24 oras na duty.
Hinimok naman ni NDRRMC Executive Director and Office of Civil Defense Administrator Undersecretary Ariel F. Nepomuceno ang publiko na mag-ingat ngayong Lenten season.
“While our authorities are on alert, we ask our kababayans to prioritize their safety and act with discipline during this time of reflection. Your cooperation is essential for a peaceful observance of the Holy Week,” saad ni Nepomuceno.