Binalaan ng Office of Civil Defense (OCD) ang mga local government officials (LGU) na mag-ingat sa P10 million peso fund scam na nambibiktima sa mga barangay officials.
Ang babala ay inilabas ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director at OCD Administrator Ricardo Jalad matapos na makarating sa kanya ang mga report tungkol sa bagong modus ng mga scammer.
Sinabi ni Jalad, umano’y nakikipagpulong ang mga scammer sa mga LGU at barangay officials kung saan sinasabing may P10 milyong pisong disaster funds ang naka-allocate sa mga barangay.
Pero kailangan lang nilang magbigay ng P5,000 bilang “processing fee” para makuha nila ito.
Nilinaw ni Jalad na walang empleyado ng OCD ang ino-authorized para magsilbing “fixer” sa mga serbisyo na ipinagkaloob ng ahensiya.
Giit ni Jalad na ang anumang pinansiyal na tulong ng ahensya sa mga LGU ay pinopondohan mula sa NDRRM Fund or Calamity Fund, at ito ay “free of charge.”
Paalala ni Jalad sa mga LGU, ang anumang request nila para sa proyekto ay direktang isumite sa lokal na tanggapan ng OCD, para hindi mabiktima ng mga scammer.