-- Advertisements --

Kumikilos na ang Office of the Civil Defense (OCD) para matukoy ang mga programang apektado sa paghinto ng foreign aid ng Amerika.

Sa isang memorandum order na inisyu ni OCD administrator USec. Ariel Nepomuceno, inatasan sina Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, OCD deputy director for administration, at deputy administrator for operations Assistant Secretary Cesar Idio para tukuyin at siyasatin ang mga proyektong posibleng apektado ng direktiba ni US President Donald Trump.

Inihayag naman ng opisyal na iginagalang ng OCD ang naging pronouncements ng kasalukuyang administrasyon ng Amerika.

Pinarerekomenda din ni Nepomuceno ang nabanggit na mga opisyal ng mga hakbang para sa patuloy na pagpapatupad ng mga proyekto at matiyak ang napapanahon at episyenteng pagpapatupad ng bawat inisyatibo.

Kung maaalala, malaki ang naitulong ng Amerika sa panahon ng mga kalamidad na tumama sa Pilipinas. Kabilang na dito noong nanalasa ang bagyong Kristine noong Oktubre ng nakalipas na taon kung saan nagbigay ang gobyerno ng US ng P84 million para suportahan ang ginagawang mga relief efforts ng PH at ng US Agency for International Development (USAID)-Philippines para matulungang makabangon ang mga matinding sinalantang komunidad sa Bicol region at Batangas.

Matatandaan na ipinag-utos ni Trump sa bisa ng executive order ang pansamantalang suspensiyon ng halos lahat ng US foreign aid sa loob ng 90 araw epektibo noong Enero 20 habang nakabinbin pa ang pag-aaral sa mga programang sinusuportahan ng US kung nakahanay ang mga ito sa policy goals ni Trump.