DAGUPAN CITY – Nakipag-ugnayan na ang Office of the Civil Defense (OCD)-Region 1 sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang paghandaan ang pagpasok sa Pilipinas ng low pressure area (LPA) na huling namataan sa silangang bahagi ng bansa.
Ayon kay OCD-1 Director Melchito Castro, maaga na umano nitong inabisuhan ang mga disaster teams ng iba’t ibang probinsya sa rehiyon upang makapaghanda sa posibleng epekto ng nasabing sama ng panahon.
Inutusan na rin aniya niya ang mga ito na bigyan na rin ng abiso at babala ang kanilang mga residente lalo na ang mga nakatira sa mga peligrosong lugar.
Maliban dito, ipinaalala din ng opisyal ang kahalagahan ng information dissemination hinggil sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa na dulot ng patuloy na pag-ulan sa ilang mga bahagi ng rehiyon.
Sa huling babala ng PAGASA, lalo pang lumaki ang tiyansa ng low pressure area (LPA) sa silangan ng Pilipinas na maging ganap na bagyo.
Inaasahang magiging ganap itong bagyo sa loob ng 24 hanggang 48 oras at maaring tumamang muli sa Central o Northern Luzon.