LEGAZPI CITY- Nakatakdang magpulong ang Office of Civil Defense (OCD) Bicol, Regional Task Force at LGUs patungkol sa tug boat na lulan ang 12 crew na nagpositibo sa COVID 19.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay OCD Bicol spokesperson Gremil Naz, nakausap na rin ng opisina ang sea vessel owner na nakikipagkoordina na rin sa kanila para sa gagawing hakbang.
Inaasahang dadaong ang MV TUG Clyde at Barge Claudia na may lulang 20 crew sa isang pribadong pantalan sa Lidong, Sto. Domingo, Albay bukas, araw ng Martes, Hulyo 20, 2021.
Binigyang diin naman ni Naz na hindi pa kumpirmadong Delta variant ang strain ng COVID 19 na tumama sa naturang mga crew.
Maalalang una ng kinumpirma ni Stephen Agnas, Terminal Supervisor ng Philipine Ports Authority na may darating ngang tug boat na mula sa Indonesia na magdadala ng carbon sa isang cement company sa Albay.