Bukod sa Metro Manila, ilang lugar na rin sa bansa ang itinuturing na “epicenter” ng COVID-19, ayon sa mga eksperto ng OCTA Research Group.
Ayon kay Prof. Guido David, “epicenter” o sentro na rin ng COVID-19 infection sa bansa ang Davao City at Calabarzon dahil sa tumataas pa ring kaso ng sakit sa naturang mga lugar. Pati na ang ilang lalawigan sa Central Luzon.
“Sa Quezon (province) nakikita natin tumataas pa rin ang kaso. Sa Central Luzon actually kasama rin yan kasi tumataas sa Bulacan at Pampanga,” ani David sa Laging Handa public briefing.
“Medyo marami pa rin ang epicenters natin kasi hindi pa nawawala yung virus.”
Binabantayan din ng mga eksperto ang Bacolod City sa Western Visayas dahil sa pagsipa muli ng COVID-19 cases.
Sa kabila nito, ilan sa mga dating “epicenter” ang nagawang mapabuti ang kanilang sitwasyon sa coronavirus. Tulad ng Benguet at Iloilo.
“Malaki ang na-improve ng Baguio City kaya nagluluwag na naman sila muli. Sa Iloilo, nag-improve din sila.”
Posibleng sa mga susunod na linggo raw maramdaman ang increase sa COVID-19 cases dulot ng evacuees at mga nagsisipuntahan sa holiday markets tulad ng Divisoria sa Maynila.
Sa huling report ng OCTA, sinabi ng mga eksperto na tumaas ng 18% ang COVID-19 cases National Capital Region.
“Maraming rason ‘yan. Maraming tao na ang lumalabas, mobility. Yung paglabas ng tao driver ng infection yan. Marami sa mga nahahawa hindi nila alam na mayroon silang COVID dahil asymptomatic sila,” ani Prof. Ranjit Rye.
Nitong Lunes nang aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Metro Manila mayors at Inter-Agency Task Force na panatilihin sa general community quarantine ang NCR hanggang December 31, 2020.