-- Advertisements --

MANILA – Inaasahan daw ng independent group na OCTA Research na tuluyan nang bababa ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa National Capital Region kasunod ng pagpapalit sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ng estado ng rehiyon.

Ayon kay Prof. Guido David ng OCTA, posibleng sa loob ng isa hanggang dalawang linggo ay magkakaroon ng downward trend sa mga kaso ng coronavirus sa Metro Manila.

‘”Yan yung inaasahan natin na dire-diretsong pagbaba. By next week baka nasa downward trend na tayo hopefully, or next next week,” ani David sa interview ng GMA.

Mula raw sa average na 10,000 new cases kada araw, maaari umanong bumaba ng 7,000 ang bilang ng mga bagong kaso sa buong Pilipinas.

Batay sa obserbasyon ng grupo, bumaba pa sa 1.24 ang reproduction number ng COVID-19 sa bansa. Ibig sabihin, sa kada 100 kumpirmadong kaso ay may nahahawaan na 124.

Nitong Linggo nang i-anunsyo ng Malacanang na MECQ na lang ang estado ng National Capital Region, Cavite, Laguna, Rizal, at Bulacan o “NCR Plus.” Magtatagal ito ang hanggang April 30.

Wala pang desisyon kung babaguhin ang unified curfew na alas-6:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.

Batay sa huling tala ng Department of Health, umabot na sa 864,868 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa.