-- Advertisements --

Siyam na lugar ang itinuturing ngayon na “high risk” sa COVID-19, ayon sa grupo ng ilang eksperto ng OCTA Research Group.

Batay sa pinakabagong report ng grupo, nakasaad ang resulta ng kanilang naging obserbasyon sa pagitan ng mga petsang October 25 hanggang 31.

Nakapaloob dito ang listahan ng mga lugar na itinuturing na high risk o mataas ang tsansa na madagdagan pa ang mga kaso ng coronavirus.

Kabilang dito ang Metro Manila, Baguio City, Itogon at Tuba sa Benguet; Lucena City, Quezon; Iloilo City; Catarman, Northern Samar; at Pagadian City, Zamboanga del Sur.

Ayon sa grupo, posibleng madagdagan ang bilang ng mga pasyente sa ospital ng mga nabanggit na lugar. Maaari raw itong magresulta sa pagkapuno na naman ng trabaho ng healthcare workers.

Hinimok ng mga eksperto ang concerned local government units na palakasin ang kanilang mga stratehiya tulad ng testing, contact tracing at isolation. Pati na ang mas agresibong kontrol sa mga borders.

Batay sa huling tala ng Department of Health, umaabot na sa 387,161 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas.