Nagbabala ang OCTA Research Group hinggil sa tatlong bagong subvariants ng Omicron na maaaring magresulta ng panibagong surge sa mga kaso ng COVID-19 sakaling ma-detect sa Pilipinas.
Ayon kay biologist Fr. Nicanor Austriaco, mas nakakahawa ang bagong BA.4, BA.5 at BA.2.12.1 kumpara sa BA.2 subvariant na kasalukuyang dominant ngayon sa ating bansa at sa buong mundo.
Aniya, anuman sa mga variant na ito ay maaaring magresulta ng panibagong surge sa bansa na posibleng very mild at posibleng nakamamatay para sa mga walang immunity o humina na ang immunity.
Kung kaya’t binigyang diin ni Fr. Austriaco ang kahalagahan ng pagpapaturok ng booster dose para sa karagdagang proteksyon.
Paliwanag naman ng Department of Health, ang BA.4 at BA.5 ay hindi pa cause of concern sa ngayon at hindi pa na-detect sa bansa ang bagong mga subvariants.
Base sa datos mula kay OCTA Research fellow Dr. Guido David kasalukuyang nasa very low ang COVID-19 risk level sa bansa na mayroong 1.4% positivity rate, 23 percent healthcare utilization rate, at 0.67 virus reproduction rate.