-- Advertisements --
Prof. Guido David UP DOH
IMAGE | University of the Philippines (UP) professor Dr. Guido David, member of OCTA Research Group/Screengrab, DOH presscon

MANILA – Hindi pa man nagsisimula ang pagdiriwang ng Pasko at bagong taon, nakita na ng mga eksperto ng OCTA Research Group ang sinasabing “surge” o pagsipa ng COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR).

“It is in this light that we believe, based on our analysis of the data and of the past trends in the NCR that a surge in its early stages has already started in the region. This is a serious cause for concern,” ayon sa December 21 report ng grupo.

“The period of the declining trend in cases observed in the NCR in the past few months has now ended.”

Batay sa pinakabagong report ng OCTA researchers, umakyat pa sa higit 1 ang reproduction number (R-Naught) ng coronavirus sa National Capital Region, na siyang epicenter ng outbreak sa Pilipinas.

Mula sa 1.06 na reproduction number noong ikalawang linggo ng Disyembre, sumipa pa raw sa 1.15 ang R-Naught o bilang ng mga nahahawa ng isang confirmed COVID-19 case sa Metro Manila.

Siyam mula sa 17 lokal na pamahalaan sa NCR ang patuloy daw na nakapagtala ng pagtaas sa bilang ng kanilang binabantayang COVID-19 cases. Itinuturing na areas of concern ngayon ang Makati, San Juan, Marikina, Malabon, Taguig, at Quezon City.

Pati ang ilang lalawigan at lugar sa labas ng NCR, tulad ng Santiago at Ilagan sa Isabela; La Trinidad, Benguet; Cainta, Rizal; Batangas City; Bulacan, Pangasinan, Negros Occidental, Ormoc at Tacloban City sa Leyte.

Mataas naman daw ang nakita nilang attack rate sa South Cotabato.

Hinimok ng OCTA researchers ang concerned local government units ng mga nabanggit na lugar na paigtingin ang kanilang mga ginagawang hakbang para mapigilan ang pagkalat pa ng sakit sa komunidad.

Pinababantayan din ng mga eksperto ang border ng bawat lalawigan at lungsod nang hindi lumala ang COVID-19 transmission. Ang mga pagamutan at health facilities naman, inabusihan nang maghanda sakaling may mga isugod nang bagong pasyente ng coronavirus.

“In areas of concern in the NCR and around the country identified in this report, we urge the local government units concerned to further intensify their efforts at testing, tracing, and isolation to reverse the increase in transmissions in their communities.”

“Together with more effective screening and other controls in our ports and airports, this will be crucial to supporting the governments plans to expand domestic as well international travel in the country.”

Ayon sa OCTA Research Group, dapat limitahan ang mga pamilya na magtitipon sa Pasko. Bagamat may tsansa naman daw na mabawi ang tumataas na namang trend ng mga kaso ng sakit, ay responsibilidad ng bawat isa na agapan ang banta ng post-holiday surge.

“Family gatherings like bubbles should be limited to the immediate family and gatherings should also be limited in size. If larger gatherings have to happen, they should be celebrated outside (in open-air/well- ventilated venues) to mitigate transmissions.”

Magugunitang sinabi ng Department of Health (DOH) kamakailan na hindi malabong sumirit ang COVID-19 cases sa Metro Manila kung hindi maipapatupad ng wasto ang health protocols sa Pasko at bagong taon.

Una nang sinabi ng Malacañang na walang ipapatupad na lockdown sa NCR bago magtapos ang 2020. (with reports of Bombo Dave Pasit)