-- Advertisements --
BSP

Ngayon pa lamang ay tinataya na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang October 2022 inflation ay posibleng sa pagitan ng 7.1 hanggang 7.9 percent.

Inaasahan na raw kasi ng BSP na maapektuhan ang mga presyuhan ng ilang pangunahing bilihin dahil sa ilang mga pressures tulad na lamang ng transport fare hikes, presyo ng mga produktong petrolyo, mataas na agricultural commodity prices dahil sa sunod-sunod na pananalasa ng mga bagyo at ang paghina ng piso kontra dolyar.

Sa kabila nito maaari namang maibsan kahit papaano ang inflation dahil sa pagbaba ng singil sa elektrisidad sa mga kunsumidores ng Meralco, pag-rollback sa presyo ng liquified petroleum gas (LPG), at ilang pagbaba ng presyo ng bigas.

Kaugnay nito umaasa rin ang mga eksperto na sa mga susunod na buwan ay babagal na ang inflation at makakabangon mula sa mga weather disturbances at transport adjustment.

Tiniyak naman ng BSP na nakahanda sila sa mga intervention upang pigilan ang tuluyang pagsadsad ng halaga ng piso.