-- Advertisements --

Asahan pa rin ang mga pag-ulan sa bansa bagama’t nakalabas na sa Philippine area of responsibility (PAR) ang Bagyong Odette kahapon.

Ayon sa PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration), huling namataan si “Odette” sa layong 320 kilometers sa hilagangkanluran ng Pag-Asa Island.

Taglay nito ang maximum sustained winds na 195 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at bugsong aabot sa 240 kph habang kumikilos pa-kanluran hilagang kanluran sa bilis na 25 kph.

Sa ngayon ay inalis na ang storm warning signals, maliban sa Kalayaan Islands na ibinaba muna sa signal No. 1.

“In the next 24 hours, rough to very high seas (3.4 to 12.0 m) will be experienced over the seaboard of Kalayaan Islands. These conditions are risky for all types of sea vessels. Mariners are advised to remain in port or take shelter in port until winds and waves subside,” babala ng PAGASA.

Samantala, habang patuloy sa paglayo sa PAR ng Bagyong Odette ay
magpapatuloy din sa maghapon ngayong araw ang mga kalat-kalat na pag-ulan sa Metro Manila, Central Luzon, Cagayan Valley, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Ilocos region at Cordillera Administrative Region dulot ng northeast monsoon o amihan.

Habang sa natitirang bahagi ng bansa ay magkakaroon ng maulap na panahon at isolated rain showers dahil sa localized thunderstorms.