-- Advertisements --

Kapwa nangako ng maganda at umaatikabong bakbakan ang Spain at Argentina bago ang nakatakda nilang pagtutuos sa final round ng 2019 FIBA World Cup sa China.

Sinabi ni Spain center Marc Gasol, nakapokus na raw sila sa Argentina na tiyak umanong ibubuhos ang 100% ng kanilang lakas masiguro lamang na masusungkit nila ang gintong medalya sa nasabing torneyo.

“Let’s focus all our strength, attention to the details because (Argentina) are going to play a very tough game because they have experience, they have size, they have heart. They have a lot of talent. After (the Final), whenever the game is over, life will go on either way. We’ll see,” wika ni Gasol.

Tinukoy naman ni Spain head coach Sergio Scariolo ang mga nakamit nilang panalo sa kompetisyon bilang isa sa mga factors kaya nila napapanatili ang tagumpay sa kanilang panig.

“The more Quarter-Finals, Semi-Finals, Finals you play and fortunately the more you win, the more you know how to do it. How to manage it and how to win it. Knowing when it is the right time to hit them strong,” ani Scariolo.

Nakatitiyak naman daw si Argentina head coach Sergio Hernandez na mapupuno ng emosyon ang napakatindi nilang laban na susuungin.

“We played so many times against Spain, and they respect Argentinian basketball so much. We respect them so much. I don’t know what the rest of the world is thinking about the Final of Spain and Argentina, but I am sure it will be an amazing game, emotional game. Maybe it will not be a nice game to watch, like all the Final games, but for sure it will be a very tough game. I respect Sergio Scariolo a lot, he’s almost a friend, one of the best coaches in the world, so it’s a great opportunity for me to play against him,” sambit ni Hernandez.

Ayon sa mga eksperto at mga observers, mistulang tagisan ng opensa at depensa ang mangyayari lalo pa’t nakasusulasok na defensive scheme ang naging sandata ng Spain sa nakaraan nilang mga laban sa torneyo.

Habang sa kampo naman ng Argentina, sa pangunguna nina Luis Scola at Facundo Campazzo ay naging bala nila ang opensa kaya nalusutan nila ang Korea, Nigeria, Russia, Venezuela, Poland, Serbia at France.

Magiging susi umano ng world No. 5 na Argentina kontra sa No. 2 na Spain ang matinik nilang ball sharing.

Isa rin daw sa magiging “x-factor” sa laban ang pagiging pamilyar ng mga players sa isa’t isa dahil walo sa mga players ng Argentina ay naglalaro sa Spanish ACB League, at iginugol din ni Scola ang siyam na taon ng kanyang karera sa Spain.

Ibig sabihin, alam na ng Spanish squad ang ikikilos ng kanilang mga makakalaban.

Huling nagkampeon ang Argentina noong unang edisyon ng World Cup noong 1950, samantalang ang Spain naman ay huling nakamit ang titulo noong 2006.

Idaraos ang sagupaan ng dalawang koponan dakong alas-8:00 ng gabi sa Beijing, China.