Pinaplano na ng Supreme Court – Office of the Judiciary Marshall(SC-OJM) ang pagsisimula ng operasyon nito sa unang kwarte ng 2024.
Ang pagkakabuo ng naturang opisina ay itinatakda sa ilalim ng Republic Act 1191 o ang Judiciary Marshals Act.
Sa ilalim ng batas, ang OJM ay may pangunahing responsibilidad na magbigay ng seguridad, kaligtasan at proteksyon sa mga miyembro, opisyal, personnel at sa lahat ng mga pag-aari ng Judiciary.
Maging ang pagtiyak na namementene ang integridad ng mga korte at mga judicial proceedings ay bahagi rin ng tungkulin nito.
Ayon kay Associate Justice Jose Midas Marquez, binuksan na rin ng Korte Suprema ang mga posisyon na Chief Marshall at tatlong deputy marshall na silang mamumuno sa naturang opisina.
Si Justice Marquez ang nangunguna sa pagbuo ng naturang opisina.
Ayon kay Justice Marquez, sasailalim sa evaluation process ang mga magnanais na maging bahagi ng naturang opisina. Titingnan dito ang kanilang mga background, abilidad, at kapasidad.
Kailangan aniyang masimulan ito ng tama at maipasok lamang ang ‘best individuals’ sa naturang opisina.
Kabilang sa mga kwalipikasyon ng isang Chief marshal ay ang mga sumusunod: natural-born citizen ng bansa, may ranggong full colonel sa AFP o PNP, o Assistant Director ng National Bureau of Investigation(NBI), at may karanasan sa imbestigasyon. Binibigyang preference din ang mga abugado para sa naturang posisyon.
Kahalintulad din ang mga kwalipikasyon para sa mga magsisilbing deputy marshall
Sa ilalim ng 2024 budget, naaprubahan na rin ang budget ng naturang opisina na nasa P200 million.