LEGAZPI CITY – Isinailalim sa lockdown ang Tabang Center at Office of the Mayor sa Castilla, Sorsogon upang bigyang-daan ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa COVID-19.
Mismong si Mayor Bong Mendoza ang nagsapubliko na tatlong miyembro ng kaniyang pamilya ang nagpositibo sa virus kabilang na ang kaniyang anak na in-charge sa Tabang Center at ang mismong driver.
Nakikitaan man ng sintomas ang alkalde, negatibo naman umano siya sa swab test.
Ayon kay Mendoza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, karamihan sa mga department heads at ilan pang empleyado ng munisipyo ang inatasan na mag-quarantine.
Naka-work from home scheme rin ang iba pa kaya’t pakiusap na ipagpaliban na muna ang mga personal na lakad sana sa munisipyo.
Hindi pa tapos ang contact tracing at hangad ang pang-unawa ng lahat lalo na sa mga ipatutupad na paghihigpit sa health protocols.
Sa ngayon, umabot na sa 18 ang aktibong kaso sa Castilla, pinakamataas na naitala sa bayan kung saan kabilang ang ilang kasapi ng PNP, Philippine Army at health workers.