Nakagastos ang Office of the President sa ilalim ni Ferdinand Marcos Jr ng nasa P4.57 bilyon sa confidential at intelligence funds noong 2023.
Ayon sa Annual Financial Report ng Commission on Audit na ang Office of the President ang siyang nanguna na nakagastos ng kanilang confidential at intelligence funds noong nakaraang taon.
Ang nasabing halagang P4.57-B noong nakaraang taon ay mas mataas kumpara noong 2022 na mayroon lamang na P4.51-B.
Sa nasabing halaga ay P2.2-B dito ay para sa confidential expenses habang P2.3-B naman ay inilista sa intelligence expenses at ang mahigit P10-M naman ay ginamit para sa extraordinary at miscellaneous expenses.
Ang Confidential expense ay mga gastusin na may kinalaman sa surveillance/ confidential activities sa mga civilian government agencies para sa pagsuporta ng mandato o operasyon ng ahensiya.
Nasa pangalawang puwesto naman ang Department of Justice sa may malaking nagastos ng confidential funds na nagkakahalaga naman ng P683.85-M.
Ang nasabing halaga ay kinabibilangan ng gastos mula sa Office of the Secretary, National Bureau of Investigation at Bureau of Immigration.
Nasa pangatlong puwesto ang Office of the Vice President na mayroong P375-, pang-apat ang National Intelligence Coordinating Agency na mayroong P127.41-M, National Security Council na mayroong P90-M, Department of National Defesne na mayroong P78.92-M at Department of Interior and Local Government na mayroong P75-M.