BUTUAN CITY – Operational na ang ikasampung satellite office ng Office of the Vice President matapos itong buksan kaninang umaga dito sa Butuan City na syang pangalawa na sa Caraga Region kasunod sa Tandag City sa Surigao del Sur.
Simpleng opening ceremony lang ang isinagawa na walang presensya ng mga incumbent local officials pati na mga pulitiko kung kaya’t hindi ito politicized.
Ayon kay Eymard Eje, hepe ng Disaster Operations Program ng Office of the Vice President-Central Office, layunin ng paglagay nila ng satellite office dito sa Butuan City ay upang mas mapalawak pa ang kanilang pagserbisyo sa mamamayang Pilipino at nang sa gano’y hindi na magsasadya pa ang mga taga-Caraga Region, sa kanilang central office upang hihingi lamang ng tulong.
Kasama sa mga serbisyong ibibigay ng OVP ay ang mga social services, medical assistance kasma na dito ang hospital bills, gamot, laboratory, burial assistance at iba pa ang livelihood programs, disaster-relief operations, mga programang makakatulong sa kapaligiran at iba pa.