-- Advertisements --

Pinaghahanda na ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang mga offices sa Senado para sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa Direktiba ni Escudero sa pamamagitan ng Special Order No. 2025-015 inatasan ang Kalihim ng Senado bilang Clerk of Court alinsunod sa Rules of Procedure ng Impeachment Trials.

Trabaho ng Clerk of Court na mag-asiste sa Presiding Officer sa pangangasiwa ng impeachment court.

Trabaho rin nitong pamahalaan ang non-judicial functions ng impeachment court — kabilang ang pag-record at pag-report ng mga paglilitis, pagpapanatili ng court records, paghahanda ng mga summons at court calendar at marami pang iba.

Inatasan din ang Senate Legal Counsel na tumayo bilang Deputy Clerk kung saan mandato nito na mag-draft af maghanda ng mga subpoenas, writs, summons, orders,
resolutions, decisions, at iba lang legal instruments.

Bukod sa Senate Legal Counsel, inatasan din ang Deputy Secretary for Legislation na tumayo bilang Deputy Clerk kung saan trabaho nito na mag-draft ng impeachment court resolutions, transcripts at journals ng paglilitis.

Samantala, trabaho naman ng Senate sergeant-at-arms na maghain ng summons, subpoenas, at iba pang legal processes sa utos ng Presiding Officer o ng Clerk of Court.

Ang kautusang ito ay magkakabisa hanggang sa pagtatapos ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte maliban kung ito ay bawiin o maamyendahan.