Inilabas na ng Commission on Elections (Comelec) ang official calendar of activities nito para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakdang ganapin sa darating na ika-30 ng Oktubre, 2023.
Batay sa inilabas calendar of activities ng Comelec, magsisimula ang election period sa darating na July 3 hanggang November 14, habang filing naman ng Certificate of Candidacy ay sisimulan mula sa July 3 hanggang July 7.
Pagsapit naman ng July 8 ay ipapatupad ang Campaign Ban na magtatagal hanggang October 18, 2023.
Magsisimula naman ang Campaign Period ng mga kumakandidato mula October 19 hanggang October 28.
Habang ipapatupad naman ang Liquor Ban at iba pang ipinagbabawal tuwing panahon ng halalan sa October 29 hanggang October 30, at ang November 29 naman ang magiging last day ng filing ng Statement of Contributions and Expenditures ng mga kandidato.
Kung maalala, unang itinakda ang pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections noong December 5, 2022 na na-reschedule naman sa October 30, 2023.
Bukod dito ay una nang iniulat ng poll body na noong February 21, 2023 ay natapos na nila ang pag i-imprenta ng mga balota ng 15 rehiyon sa bansa.