-- Advertisements --

Pinaratangan ng isang dating house speaker ang mababang kapulungan ng kongreso na ipinagkait umano nito ang opisiyal na kopya ng enrolled bill sa 2025 national budget ng bansa.

Ito ay inihayag mismo ni former house speaker at Davao del Norte 1st District Representative Pantaleon Alvarez nang siya’y tanungin hinggil sa kanilang isinampang kaso sa Ombudsman.

Ayon kasi sa kanya, matagal na silang sumulat sa House of Representatives upang mabigyan ng official copy ng naturang dokumento ngunit aniya’y bigo pa rin silang makakuha nito.

Giit pa ng kongresista, itinatatago umano sa kanila ang opisyal na kopya ng enrolled bill na 2025 national budget ng Pilipinas kaya sila’y hindi pinagbibigyang magkaroon nito.

‘Dahil alam niyo po, dito lang sa House of Representatives matagal na kaming sumulat, nagrequest kami ng kopya, official copy ng enrolled bill hanggang ngayon tinatago nila hindi nila ibinibigay sa amin dahil yung sulat namin hindi nila sinagot, nag-request kami,’ pahayag ni Davao del Norte 1st District Representative Pantaleon Alvarez.

Ang mga mga ibinahaging ito ay kasabay ng kanilang pagsasampa ng kaso laban kay House Speaker Martin Romualdez at ilan pang mga kasama dahil sa umano’y pagsisingit ng nasa P241 billion pesos na alokasyon sa 2025 national budget ng bansa.