Handang-handa at excited na ang official delegates ng Pilipinas na sasabak sa 28th World Championships of Performing Arts sa California, USA.
Ito ang binansagang nag-iisang talent olympics sa mundo para sa pinakamahuhusay sa musika at performing arts at ngayong taon, ito ay gaganapin sa Hulyo 28 hanggang Agusto 6.
Ang singers, Dancers, Actors, Models, Variety Acts and Instrumentalists na ipapadala ng Pilipinas ngayong 2023 ay ang pinakamalaking delegasyon na kakatawan sa bansa mula nang sumali ito sa naturang prestihiyosong international competition.
Isa sa inaasahang uuwi ng gold medal ay ang Antiqueña na si Khazandra Ypil, 1st year college student sa Central Philippine University at residente ng Semirara, Caluya, Antique.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ypil, sinabi nitong tatlong taon pa lamang siya nang nag-umpisa sa pagkanta hanggang sa lumaki itong kaliwa’t kanan ang performances sa stage at paglahok sa singing contests.
Sa delegasyon ng bansa, nag-iisa lamang si Ypil mula sa Antique at sasabak ito sa Vocal Solo Category.