-- Advertisements --

CEBU CITY – Pinag-aaralan na ng City Legal Office ang kaukulang aksyon tungkol sa nawawalang official seal ng Office of the Mayor ng Cebu City.

Ito’y matapos na na-delay ang nakatakda sanang panunumpa ni Coun. Jerry Guardo sa harap ng kasalukuyang alkalde ng lungsod na si Edgardo Labella.

Sinubukang hanapin ng mga staff ang naturang seal mula sa dating Mayor’s Office sa 8th floor ngunit bigong mahanap pagkalipas ng halos 20 minuto.

Ayon kay Labella, ilalagay na sana ang official seal ng Office of the Mayor sa kanyang pansamantalang opisina sa Vice Mayor’s Office.

Kaya naman natawa na lang ang majority leader ng City Council na si Coun. Raymund Garcia sa pagkawala umano ng seal.

Ayon kay Garcia, posibleng dinala ng dating alkalde na si Tomas Osmeña ang official seal kasama ng kanyang mga furniture, toilet bowl, tiles, at iba pang personal na gamit mula sa Mayor’s Office.

Nilinaw ng konsehal na pagmamay-ari pa rin ng gobyerno ang seal ng Mayor’s Office at gagamitin pa ito sa mga susunod pang mga alkalde sa lungsod ng Cebu.