-- Advertisements --

Inaantay pa ang paglalabas ng official statement ng pambansang pulisya kaugnay sa pagkakaaresto sa wanted na isa sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) consultant na si Rafael Baylosis.

Si Baylosis, 69, ay sinasabing naaresto dakong alas-3:45 kahapon ng hapon sa bahagi ng Aurora Boulevard corner Katipunan Avenue, Quezon City at kasalukuyang nakakulong sa detention facility ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay PNP spokesperson C/Supt. John Bulalacao, sinabi nito na bina-validate pa ng kaniyang opisina kung totoo ang nasabing report na naaresto si Baylosis.

Sinabi ni Bulalacao na hindi pa nagbibigay ng official report ang mga operating units kaugnay sa paghuli muli kay Baylosis kasama ang isang Guillermo Roque.

Sinasabing kasama ng CIDG-NCR sa operasyon ang AFP intelligence service (ISAFP).

Narekober umano sa posisyon nina Baylosis ang dalawang caliber .45 pistols, 14 na mga bala at dalawang magazines.

“Bina-validate pa po ng office ko kung totoo yung balita na yan. Because until now wala pa kaming natatanggap na official report mula sa aming operating units,” pahayag pa ni Bulalacao sa Bombo Radyo.

Si Baylosis ay itinuturing na isa sa key leaders ng Communist Party of the Philippines (CPP) at chairman ng grupo.

Kauna-unahan siyang NDF consultant na muling naaresto matapos tuldukan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang usapang pangkayapaan sa komunistang grupo.

Una nang pinalaya si Baylosis noong 2016 ng mapasama ito sa peace talks sa Oslo, Norway.

Sa ngayon patuloy na kumikilos  ang PNP at AFP para maaresto ang iba pang mga NDF consultants kabilang na ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon.