Halos lahat na ng mga barko na nasa ilalim ng Offshore Combat Force ng Philippine Fleet (PF) ay mayroon nang anti-submarine warfare (ASW) capabilities, ayon sa Philippine Navy.
Ilan sa mga barkong pandigma na mayroong ganitong kapabilidad ay ang mga guided-missile frigate BRP Jose Rizal (FF-150) at ang sister ship nito BRP Antonio Luna (FF-151).
Ang dalawa ay may kakayahang maka-detect at sirain ang mga submarine.
Kasama rin dito ang dalawang AW-159 “Wildcat” ASW helicopters na may dipping sonar technology at may anti-submarine torpedos. Ang dalawang air assets ay kasa-kasama ng BRP Jose Rizal at BRP Antonio Luna.
Mayroon ding katulad na kakayahan ang BRP Conrado Yap (PS-30) na dating donasyon ng South Korea, kasama na ang tatlong Gregorio Del Pilar-class offshore patrol vessel na dating nilagyan ng mga sonar upang makadetect ng submarine.
Ayon kay PN spokesperson Capt. John Percie Alcos, ang iba pang warship na una nang na-order ng Pilipinas ay may mayroon ding kahalilntulad na kapabilidad.
Kinabibilangan ito ng dalawang guided missile corvettes at anim na offshore patrol vessels na kasalukuyan nang binubuo sa South Korea at inaasahang maidedeliver na sa susunod na dalawang taon.
Ang anti-submarine warfare (ASW) capabilities, ayon sa Philippine Navy, ay isa sa mga kakayahang nais nitong maipasok sa lahat ng mga barkong pandigma na nasa ilalim ng hukbong sandatahan ng Pilipinas.