KORONADAL CITY – Nagkakaisa ang Filipino community sa Kuwait na dapat mabigyang hustisya ang pagkakasawi ni Jeanelyn Villavende mula sa kamay ng kaniyang malupit na amo.
Ito ang inihayag ni Mae Ortiz, presidente ng Bisdak-Kuwait chapter sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Ortiz, na taga-Maitum, Sarangani Province, mas mabuting buhay din umano ang maging kabayaran mula sa amo nitong babae at kung siya lamang ang masusunod, hindi na dapat tanggapin ng pamilya Villavende ang blood money na maaaring ialok bilang bayad-danyos sa ginawa sa 26-anyos na biktima.
Hindi rin nito natago ang kaniyang pagkadismaya dahil sa kabila ng paglagda ng memorandum of understanding noong 2018 na nagbibigay proteksyon sa mga OFWs ay nalabag pa rin ito matapos naitala ang sunod-sunod na kaso ng pagmamaltrato sa mga kababayan.
Samantala, suportado rin aniya nito ang pinaplanong total deployment ban upang hindi na magkaroon pa ng dagdag na mga biktima katulad sa mga kaso nina Jeanelyn at Joanna Demafelis.